LIONS O CARDINALS?

Laro ngayon:

(Filoil Flying V Centre)

3 p.m. – San Beda vs Mapua

PAG-AAGAWAN ng Mapua at San Beda ang nalalabing Finals berth sa Final Four decider ng NCAA men’s basketball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.

Pinaalalahanan ni coach Boyet Fernandez ang kanyang Red Lions na bantayan ang tira sa labas ng Cardinals sa 3 p.m. knockout match.

“We all know that Mapua is the number one team in three points and they are really the number one team whose starters make the most points,” sabi ni Fernandez makaraang mapanatiling buhay ng San Beda ang kanilang kampanya sa 73-67 overtime win noong Linggo.

Ang mananalo ay makakaharap ng back-to-back title-seeking Letran sa best-of-three series simula sa Linggo, alas-3 ng hapon, sa San Juan arena.

Ang Cardinals ay inalat sa 3-point area, kung saan nagtala lamang ito ng 3-of-25.

“Pasalamat lang ako at na-miss ng Mapua ‘yung mga three points nila,” ani Fernandez.

Target ng Red Lions ang ika-15 sunod na Finals appearance.

“We haven’t won anything, we just tied it. It gave us another chance to live and really thank my players for stepping up today,” ayon pa kay Fernandez.

Ang Knights ay wala pang talo sa season na may 10-0 record.  Nalusutan ng Letran ang pinakamalaking hamon nito sa season nang matakasan ang University of Perpetual Help System Dalta, 77-75, para makopo ang isa pang championship stint.