INAPRUBAHAN ng Senado ang paglilipat ng pagmamay-ari ng Mindanao Islamic Telephone Company (Mislatel Company) tungo sa Mislatel consortium na pinangungunahan ng mga kompanya ng negosyanteng tubong Davao City na si Dennis Uy at ng China state-owned China Telecom.
Kinatigan ng Senado ang House Concurrent Resolution No. 23 para sa pagbebenta ng controlling interest ng Mislatel sa Udenna Corporation, Chelsea Holdings Corp. at China Telecommunications. Corp.
Nabatid na may 35% shares ang Udenna, 25% ang Chelsea at 40% ang China Telecom sa consortium habang ang Mislatel ang franchise holder.
Magsisilbi itong go-signal para ipagpatuloy ng Mislatel consortium ang operasyon bilang provisional third telecommunications (telco) player.
Bumoto kontra sa pag-apruba ng resolusyon sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Sen. Risa Hontiveros at Sen. Panfilo Lacson.
Sinabi ni Sen. Grace Poe, chairman ng Senate committee on public services, na nagsagawa ng apat na pagdinig sa isyu, na hindi pa matatawag na bagong major telco ang Mislatel consortium dahil malaya ang sinuman na kuwestiyunin sa korte ang prangkisa nito.
“We took out anything that pertains to calling Mislaterl a new major player or third telco. We’re treating it as a regular franchise because later on, someone might go to the court and say Congresss recognized Mislatel as the third telco,” ani Poe.
“Inendorso ko ang resolusyon dahil desperado ang publiko na magkaroon ng ikatlong telco na nangangako ng mura at mabuting serbisyo,” dagdag ni Poe.
Matatandaang nakuwestiyon ng ilang senador ang bisa ng prangkisa ng Mislatel dahil hindi ito kailanman nagbukas ng operasyon mula nang mabigyan ng prangkisa ng Kongreso noong 1998.
Comments are closed.