LIQUOR BAN INALIS NA

INALIS na ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang ipinatupad nitong liquor ban noong Kapaskuhan bilang pag-iwas sa posibleng paglobo ng kaso ng COVID-19.

Sa bisa ng City Ordinance No. 2021-07 na pinirmahan ni Mayor Toby Tiangco, pinawalang-bisa na ang pagbaba­wal sa pagbili o pagbenta ng alak o inuming nakalalasing sa lungsod simula nitong Pebrero 1.

“Ito po ay ayon sa ating napag-usapan na tatanggalin natin ang liquor ban kapag manageable o hindi masyadong tataas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa ating lungsod pagkatapos ng Kapaskuhan.

Bagaman tumaas po nang bahagya ang ating mga kaso, kaya pa rin po natin itong makontrol,” anang alkalde.

Gayunpaman,nanatili namang ipinagbabawal ang pag-inom ng anumang nakalalasing sa pampublikong lugar tulad ng daan, eskinita, liwasan, at labas ng tindahan na sumasakop sa pampublikong daan o bangketa alinsunod sa Municipal Ordinance 2002-06.

Tinukoy din na ang mga lalabag sa naturang ordinansa ay bibigyan ng karampatang parusa.

Nauna rito, pinayagan ng pamahalaang lungsod na buksan ang mga palengke at groceries tuwing Linggo kung saan lingguhan din silang nagsasagawa ng pangkalahatang disinfections. EVELYN GARCIA

Comments are closed.