LIQUOR BAN INALIS NA

INALIS na ng lokal na pamahalaan ng Paranaque ang ipinatupad na liquor ban sa lungsod matapos ianunsiyo ng gobyerno ang pagsasailalim ng Nation Capital Region (NCR) sa mas maluwag na Alert Level 2 mula Nobyembre 5 hanggang Nobyembre 21.

Sa opisyal na Facebook page ng Parañaque Public Information Office (PIO) inihayag ang pagtatanggal ng liquor ban sa lungsod subalit nilinaw na ang mga establisimiyento lamang na may mga updated na permit ang papayagan na magbenta at magsilbi ng alak.

Ayon din sa Facebook page ng PIO, nagluwag na rin ang gobyerno kung saan pinapayagan nang lumabas ng kanilang bahay ang mga kabataan na kasama ang kanilang mga magulang at mga mahigit 65 taong gulang na indibidwal at inalis na ang curfew hour sa Metro Manila.

Nilinaw naman ng lokal na pamahalaan na sa kabila ng pagtanggal ng gobyerno ng curfew hour sa Metro Manila ay nananatili pa rin ang pagpapatupad ng curfew sa lungsod para sa mga kabataan na nasa edad 17 tang gulang pababa mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga.

Hinimok din ng lokal na pamahalaan ang lahat ng business establishments sa lungsod na mag-apply na ng kanilang safety seal certification para maging kwalipikado na ang mga ito sa karagdagang 10 porsiyentong kapasidad.

Karamihan sa mga business establishments sa lungsod ay nag-ooperate na ng hanggang 50 porsiyento sa kanilang indoor venue at 70 porsiyento naman sa al fresco o outdoor venue.

Sa indoor venue, sinabi ng lokal na pamahalaan na ang mga customer na nasa edad 18 pataas ay kailangang mga fully vaccinated na rin pati na ang mga empleyado ng mga business establishment habang ang mga nasa 17 taong gulang pababa ay kailangan din na kasama ng kanilang mga fully-vaccinated din na mga magulang habang ang implementasyon ng minimum public health standards ay mahigpit pa ring ipinatutupad at kailangang sundin.

Ang mga lugar naman para sa mga pinagsasagawaan ng mga pagpupulong, insentibo, komperensya at exhibitions ay kailangan namang kumuha ng mayor’s permit sa lokal na pamahalaan bago sila payagang makapagsagawa ng kanilang event. MARIVIC FERNANDEZ