BAWAL na bumili o uminom ng alak sa Navotas matapos simulan ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang liquor ban sa lahat ng pampublikong lugar sa lungsod habang nakataas ang enhanced community quarantine.
Nilagdaan ni Mayor Toby Tiangco ang Executive Order N0. 027 noong April 12 na nagbabawal sa sinuman, kasama na ang mga may-ari at manager ng palengke, stalls, supermarkets, convenience stores at sari-sari stores na magbenta, mag-alok, bumili o uminom ng inuming nakala-lasing sa alin mang pampublikong lugar sa lungsod habang nakataas ang enhanced community quarantine.
Sinabi ni Tiangco na hangad ng 24/7 na liquor ban na maiwasan ang pagtitipon-tipon ng mga tao at ang posibleng pagkalat pa ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Sa ngayon, ang Navotas ay may 51 suspected, 46 probable at 14 positibong kaso ng Covid-19. VICK TANES