NAGDEKLARA ng liquor ban ang pamahalaang lungsod ng Maynila mula Sabado hanggang Enero 9, araw ng Kapistahan ng Itim na Nazareno .
Ang nasabing kautusan ay ibinaba mismong ni Manila Mayor Honey Lacuna matapos ang isang banal na misa na idinaos sa Manila City Hall nang bumisita rito ang imahe ng Poong Nazareno.
Sa ginanap na pulong balitaan, sinabi ni Lacuna na ang liquor ban ay iiral simula Enero 7 hanggang Enero 9 kung saan ay maglalabas ang alkalde ng isang executive order hinggil sa liquor ban.
Matatandaang sa ikatlong pagkakataon, simula nang magkaroon ng pandemya ng COVID-19, sinuspinde muli ng Simbahang Katolika at Manila City government ang tradisyunal na Traslacion para sa Black Nazarene.
Layunin nitong maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, lalo na at ang naturang okasyon ay dinadagsa ng milyun-milyong deboto ng Nazareno na mula pa sa iba’t ibang lugar.
At sa halip na Traslacion, magdaraos naman ang Simbahang Katolika ng ‘Walk of Faith’ ngunit hindi kasama rito ang imahe.
Samantala, inihayag naman ni Fr. Earl Valdez, attached priest ng Quiapo Church na kanselado rin ang tradisyunal na pahalik ngunit maaari naman lapitan ng mga deboto ang imahe ng poon.
Samantala, tuloy naman ang iba pang aktibidad para sa pista, kabilang na ang oras-oras na pagdiriwang ng mga banal na misa sa Quiapo Church gayundin ang banal na misa sa Quirino Grandstand na pamumunuan ng Archdiocese of Manila. VERLIN RUIZ