MAGSISIMULA nang umiral ngayong araw ng Linggo, Mayo 13, ang 2-day liquor ban sa bansa kasunod ng pormal namang pagtatapos kahapon ng campaign period para sa May 14 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez, ang liquor ban ay magsisimulang umiral dakong alas-12:01 ng madaling araw ng Linggo at epektibo hanggang hatinggabi ng mismong araw ng halalan bukas.
Sa ilalim ng liquor ban, mahigpit na ipinagbabawal ng Comelec ang pagbebenta, pamimigay, pag-aalok, pagbili, pag-inom, at pagsisilbi ng anumang nakalalasing na inumin.
Pagsapit naman ng hatinggabi kahapon ay bawal na rin ang aktibong pangangampanya ng mga kandidato, tulad nang pakikipagkamay sa mga botante, pagbabahay-bahay, pagdaraos ng political rallies o ‘di kaya’y pamimigay ng anumang mga pulyetos, campaign materials, sample ballots at iba pa.
Paalala ni Jimenez, ang sinumang kandidato na mahuhuling nangangampanya pa at lalabag sa election rules ay maaaring madiskuwalipika sa eleksiyon.
Muli ring iginiit ni Jimenez na maging ang pamimigay ng sample ballot sa gate ng mga polling precincts ay mahigpit nilang ipinagbabawal dahil ito’y isang uri pa rin ng pangangampanya.
Pinayuhan pa niya ang mga botante na sa halip na tumanggap ng sample ballots ay maghanda na lamang ng sarili nilang kodigo, na makatutulong upang hindi magkamali ng mga taong iboboto, at magpapabilis rin sa voting process.
Pinaalalahanan din ni Jimenez ang mga kandidato at mga botante hinggil sa pagbabawal sa pamimigay, pagtanggap ng libreng transportasyon, pagkain, inumin, pera at anumang bagay na may halaga, na maaaring maituring na vote buying o pamimili ng boto. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.