KAKASUHAN ng frustrated murder ang hindi sumipot na driver ng sports utility vehicle (SUV) na ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) matapos na sinadyang banggain ang security guard na nagmamando ng trapiko at tumakas sa Mandaluyong City nitong Linggo.
Dumalo naman sa pagdinig ang 157 Raptor Agency Operation Manager na si Chrisbern Soriano na employer ng biktima at sinabing inaasikaso muna nila ang kalagayan ng sekyu.
Nabatid na nakikipag-usap na umano ang suspek sa opisina ng biktima pero hindi malinaw kung nakipag-aregalo ang kampo ng SUV driver.
Halos dalawang oras na nag-abang ang ilang miyembro Intelligence and Investigation Division ng LTO, mga media, at kinatawan ng 157 raptor agency sa suspek ngunit namuti ang mga mata ng mga ito.
Dahil dito, muling sinilbihan kahapon ng show cause order ng LTO ang SUV driver.
Ayon kay Renante Militante, Officer-In-Charge ng Intelligence and Investigation Division ng LTO, itinakda ang pinal na pagdinig sa kaso sa Biyernes, Hunyo 10 ng ala-1 ng hapon.
Sakaling, muling hindi sumipot ang SUV driver ay tuluyan nang tatanggalan ng lisensiya sa LTO ang naturang suspek. EVELYN GARCIA
Kaugnay nito, nakilala na ni Mandaluyong Police Chief PCol. Gauvin Mel Unos ang nagmamay-ari ng SUV na sumagasa sa security guard na si Christian Floralde sa Julia Vargas Ave cor . Francis St. sa harap ng isang malaking mall sa Mandaluyong City.
Ayon kay Unos, kulay puting Toyota RAV4 na may plakang NCO-3781 na base sa record ay nasa pangalan ni Jose Antonio Valmonte subalit hindi pa tukoy kung siya ang nagmamaneho nang maganap ang insidente.
Patuloy ang paghahanap ng Mandaluyong police sa sasakyan at nakikipag-ugnayan na rin sa iba’t iba pang establisimiyento para sa ibang kuha ng CCTV.
Ani Unos, oras na madakip ang suspek ay agad itong sasampahan ng kasong frustrated murder resulting to physical injury.
Samantala, nasa stable ng kondisyon ang biktima nasa ospital at patuloy na inoobserbahan.
ELMA MORALES