LIST NG PNP AWOL BUBUSISIIN

REREPASUHIN ng Philippine National Police (PNP) ang record ng mga dismissed at AWOL (absence without official leave) na mga pulis upang mapabilis ang paghahanap sa lima pang suspek sa Degamo slay at matukoy kung sumanib na sa private armed group (PAGs) ang mga ito.

Ito ang kinumpirma ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. kahapon sa PILIPINO Mirror kung saan awtomatikong ginagawa ng PNP na balikan ang mga record ng mga umalis sa serbisyo kapag ang programa ay paghahanap sa kriminal lalo na paglalansag sa PAGs.

“Yes hinahanap namin, lalo na ang mga highly skilled cops, ‘yung mga may specialization gaya sa paghawak ng baril, parang sa US, hahanapin at aalamin ang kanilang mga aktibidad sa labas ng organisasyon,” ani Azurin.

Magugunitang ipinahayag ni Army Col. Xerxes Trinidad, hepe ng Public Affairs Office ng Philippine Army na kanilang minomonitor ang dating mga sundalo na nadismis lalo na ang mayroong hindi magandang records na bahagi ng kanilang hakbang katuwang ang PNP para lansagin ang PAGs.

Muling nabuhay ang paglansag sa PAGs makaraang madiskubreng dating mga sundalo ang mga suspek na pumaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
EUNICE CELARIO