LISTAHAN NG AREAS OF ELECTION CONCERNS, ILALABAS NA NG COMELEC

NAKATAKDA nang isapubliko ng Commision on Elections (Comelec) sa Huwebes ang listahan nito ng itinuturing na “areas of concern” kaugnay ng May 9 national at local elections.

Ayon kay Commissioner George Garcia, naisumite na sa Comelec ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines ang listahan nito ng color-coded areas.

“Asahan po ninyo by siguro hanggang Thursday ay mag-announce po ang Comelec sa pamamagitan po en banc, i-a-announce po natin kung ano talaga ‘yung areas of concern,” ayon kay Garcia.

Ibinatay ng PNP sa kulay ang klasipikasyon ng mga lugar kabilang ang green, yellow, orange, at red.

Ayon kay PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo, itinuturing ng PNP ang green areas kung mapayapa sa pangkalahatan ang inaasahang pagdaraos ng eleksiyon.

Kung yellow areas ay kung may hinihinalang election-related incidents na nangyari sa nakalipas na dalawang eleksiyon, posibleng presensya ng mga armadong grupo at matinding alitan ng mga angkan ng pulitiko. Ang yellow areas ay matatawag ding “areas of concern.”

Ang orange areas naman ay kung may natukoy na presensiya ng armadong grupo tulad ng New People’s Army at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na maaaring manggulo sa halalan. Ang orange areas ay matatawag ding “areas of immediate concern.”

Samantala, ang red areas ay kung pasok ang sitwasyon sa ilalim ng yellow at orange areas. Isasailalim ito sa Comelec control at mas itututok ang pagmomonitor ng seguridad.

Sinabi ni Garcia na hindi na gagamitin ang terminong election hotspots tulad ng nakapagkasunduan ng Department of National Defense at National Intelligence Coordinating Agency. JEFF GALLOS

Gun ban exemptions, aayusin

Tiniyak ng Comelec na matatalakay sa en banc ang posibleng pagbabago sa mga patakaran ng pagkuha ng election gun ban exemptions at aplikasyon para sa security personnel.

“Ipapangako po natin sa Miyerkoles kaunahan po ‘yan sa tatalakayin ng en banc, ‘yung tinatawag nating recalibration of the guidelines para sa gun ban exemption at security personnel,” ani Garcia.

Napansin din ni Comelec chairperson Saidamen Balt Pangarungan na mabagal ang proseso ng pag-aapruba o pagbasura ng mga aplikasyon. JEFF GALLOS