NAIS ng Department of Health (DOH) na mailabas sa publiko ang listahan ng mga pangalan ng mga health care providers na iniimbestigahan ngayon ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil sa alegasyon ng fraudulent acts.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ito ay katulad nang ginagawa ng pamunuan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglilista ng pangalan ng mga korporasyon na may kaso sa Department of Justice (DOJ).
“Napag-alaman ko ‘yun pala ang ginagawa ng BIR din. Nililista yung mga korporasyon na may mga kaso with DOJ or at the different stages of litigation without telling that they are all rendered guilty,” ani Duque, sa panayam sa radyo. “Palagay ko ‘yun ang maganda. That is a good model to follow.”
Nabatid na inatasan na ng kalihim ang PhilHealth na alamin kung walang legal na implikasyon kung isasagawa nila ang paglalabas ng mga pangalan ng mga iniimbestigahan nilang health care provider.
“Sinabihan ko ang PhilHealth na tingnan kung wala namang mabigat na legal implications, ilabas (ang names) at sabihin lamang doon na these are pending cases,” anang kalihim. “In other words, wala pang desisyon.”
“This is a factual narrative or a factual listing of health care providers with pending cases,” aniya pa.
Nauna rito, ibinunyag ng PhilHealth, na halos 9,000 kaso ng fraudulent acts, ang kanilang iniimbestigahan na sa ngayon, kabilang umano sa sangkot dito ang 78 pagamutan at may 18-doktor.
Kasunod na rin ito ng alegasyong sangkot ang WellMed Dialysis & Laboratory Center Corp. sa ghost kidney dialysis claims, na mariin naman na ng pinabulaanan ng naturang kumpanya. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.