NAGLABAS ang Police Regional Office 3 (PRO3) ng opisyal na listahan ng mga ipinagbabawal na paputok at pailaw alinsunod sa Executive Order (EO) No. 28 at Republic Act (RA) No. 7183, na naglalayong maiwasan ang aksidente at masiguro ang kaligtasan ng publiko sa darating na kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon.
Batay sa listahan na nakuha ng PILIPINO Mirror mula sa tanggapan ni PRO 3 Director Brig. Gen. Redrico Maranan ang mga sumusunod ay ipinagbabawal na paputok, gaya ng Watusi, Piccolo, Poppop, Five Star (Big), Pla-pla, Lolo Thunder, Giant Bawang.Giant Whistle Bomb, Special Atomic Bomb. Atomic Triangle, Large-size Judas Belt, Goodbye Delima, Hello Columbia, Goodbye Napoles, Super Yolanda, Mother Rockets, Kingkong, Kwiton, Super Lolo. Goodbye Bading. Goodbye Philippines. Bin Laden, Coke-in-Can, Pillbox, Kabasi, Tuna at Goodbye Chismosa.
Ayon kay Maranan, ang mahigpit na pagbabawal sa mga nasabing paputok ay bahagi ng kampanya ng PRO3 upang maiwasan ang pinsalang dulot ng maling paggamit ng paputok, kabilang na ang mga sunog, sugat, o maging pagkasawi.
“Mahalaga ang ating kaligtasan, lalo na sa panahon ng pagdiriwang. Hinihikayat namin ang publiko na huwag gumamit ng mga ipinagbabawal na paputok at ipagdiwang ang Bagong Taon sa pamamagitan ng mas mapayapa at ligtas na pamamaraan.. Isaisip natin ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga mahal sa buhay,” ani BGen Maranan.
Dagdag pa nito, ang mga mahuhuling lumalabag ay mahaharap sa kaukulang parusa alinsunod sa batas.
Nagsasagawa na rin ng masusing monitoring at operasyon ang PRO3 upang tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng nasabing kautusan.
Nanawagan ang PRO3 sa lahat ng mamamayan na makipagtulungan sa pulisya sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga establisimiyento o indibidwal na nagbebenta o gumagamit ng mga bawal na paputok at maaaring tumawag o mag-text sa PRO3 hotlines para sa agarang aksyon.
“Ang ligtas na pagdiriwang ay responsibilidad ng bawat isa. Magsama-sama tayo sa paglikha ng isang masaya at mapayapang Bagong Taon,” dagdag pa ni ng regional director ng Central Luzon Police.
EUNICE CELARIO