LISTAHAN NG MGA KANDIDATO BIGONG MAIPALABAS NG COMELEC

comelec

NABIGONG maipalabas kahapon ng Commission on Elections (Comelec)  ang pinal na listahan ng mga kandidatong papayagang tumakbo sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE).

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, sa halip na kahapon ay posibleng sa susunod na linggo na lamang nila ito maisapubliko.

Hindi pa naman tumukoy ng eksaktong petsa si Jimenez, ngunit sinabing posibleng sa huling bahagi ng susunod na linggo ito maisagawa.

Sinabi ni Jimenez na layunin ng postponement na resolbahin pa ang ilang isyu na kinakaharap ng ilang kandidato na naghain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa eleksyon, katulad ng disqualification cases, at iba pa.

Tiniyak naman ni Jimenez na hindi makakaapekto sa schedule of activities ng Comelec para sa eleksyon ang naturang postponement. ANA ROSARIO HERNANDEZ