LISTAHAN NG MGA NAPALAYA DAHIL SA GCTA PINALALANTAD

eric yap

UPANG mapawi umano ang agam-agam ng sambayanan sa posibleng pagkakaroon umanong iregularidad sa pagpapatupad ng Republic Act 10952, iginiit ng isang ranking leader ng Kamara de Represen­tantes na isapubliko ang listahan ng mga bilanggong napalaya dahil sa ‘Good Conduct Time Allowance’ o GCTA.

Tahasang sinabi ni House Committee on Games and Amusements Chairman at ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap na lubos na nakaaa­larma ang ulit hinggil sa pinalayang apat na Chinese drug lords gayundin ang iba pang high profile inmates lalo na iyong mga sangkot sa karumal-dumal na krimen bunsod ng nasabing batas.

“Baka marami pang iba na hindi nararapat mapalaya ang makalabas ng kulungan dahil sa batas na ito? Ating tinatawagan ang Bureau of Corrections at Department of Justice na maging transparent sa buong proseso nang pagpapatupad ng RA 10952. Nararapat lamang na sila ay mag-release ng listahan sa awtoridad ng pangalan ng mga mapapalaya at kung ano ang basehan ng kanilang pagpapalaya.” Giit ng party-list congressman.

Ayon kay Yap, kung tatanggi ng dalawang ahensiya sa iminumungkahi niyang ito, hindi mapapanatag ang sambayanang Filipino sa pag-iisip na ang mga presong maagang mapapalaya ay binigyan ng special treatment.

“Sa ating batas, Filipino man o foreign nationals, walang makakalusot kung napatunayan na sila ay lumabag dito. Tayo ay nababahala sa maa-gang pagpapalabas ng mga na-convict na kriminal, na walang kasiguraduhang sila ay dumaan sa tamang proseso ng pagbabago at sila ay angkop na maibalik sa komunidad bilang maayos na mamamayan.” Sabi pa niya.

Pormal namang lumiham si Yap kay Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevara na nanawagan na suspendihin muna ang pagpapalaya sa mga bilanggo na nasasaklaw ng GCTA hangga’t isinasagawa pa ang pagbusisi sa kontro­bersiyal na isyu na ito.

Nauna rito, naghain si Yap ng House Resolution 280 na humihiling sa Committee on Justice at Committee on Revisions of Law na rebisahin ang pagpapatupad ng RA 10592, na may kinalaman sa paggagawad ng GCTA sa mga bilanggo sa bansa.

Bukod dito, iminungkahi rin ng mambabatas na alisin na ang probisyon sa Revised Penal Code, na nagtatakda ng hanggang sa 40 taon lamang na pagkakakulong ang maaaring bunuin ng isang convicted prisoner kapag napaloob siya sa tinatawag ng ‘three-fold rule’. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.