SALAMAT na lamang sa mga suhestiyon ni Vice President Leni Robredo.
Ito ang tugon ng Malakanyang sa panukala ni Vice President Leni Robredo na umpisahan na ang paglilista sa pangalan ng mga tuturukan ng bakuna kontra COVID-19.
“We don’t have to adopt the suggestion dahil mayroon na po kaming listahan. So thank you very much again but again po a bit too late kasi si Presidente Duterte po ten steps ahead,” pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Ayon kay Roque, una sa mga tuturukan ng bakuna ay ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Department of Social Welfare and Development.
May listahan na rin aniya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para sa mga pulis at sundalo na babakunahan gayundin naman ang listahan ng Department of Health para sa mga medical frontliner.
“So maraming salamat po sa suhestiyon pero as usual nagawa na po ng gobyerno iyan kasi may listahan na tayo ng 4Ps, may listahan na tayo ng kapulisan, may listahan na tayo ng kasundaluhan at iyong mga frontliners eh alam naman po ng DOH kung sino sila. So thank you po pero as usual, mayroon na po tayong listahan even before your suggestion,” dagdag ni Roque.
Tiniyak ni Roque na may sapat na pondo ang gobyerno upang makabili ng initial na batch para sa 24 na milyong COVID-19 vaccines para sa mga mahihirap nating kababayan.
Una rito, sinabi ng mga pharmaceutical companies na Moderna at Pfizer na 95 percent na epektibo ang nalikhang bakuna kontra COVID-19.
Ang pondo ayon kay Roque ay maaaring maipama sa proposed budget sa susunod na ton o ‘di kaya naman ay popondohan ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines o sa pamamagitan ng loans mula sa Asian Development Bank at World Bank. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.