LISTAHAN NG PARTYLIST IPINASASAPUBLIKO

Commissioner Rowena Guanzon

NAIS ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na maisapubliko ang listahan ng mga nominado ng mga partylist group na lalahok sa National and Local Elections (NLE) na idaraos sa susunod na taon.

Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Guanzon na hihilingin niya sa Comelec en banc na ipaskil ang naturang listahan.

Aniya, karapat-dapat lamang na malaman ng mga mamamayan kung sino ang taong iluluklok nila sa puwesto sa pagboto sa isang party­list group, para na rin sa transparency at accountability ng mga ito.

Matatandaang sa pagboto ay hindi naman ang pangalan ng nominado ng partylist group ang ilalagay sa balota, kundi ang pangalan lamang ng grupong kakatawanin nito.

Karaniwan namang hindi batid ng mga botante kung sino ang kanilang iluluklok, sa gagawin nilang pagboto sa mga partylist group.

“I will ask the @COMELEC  En Banc to post the list of nominees of partylist groups,” tweet ni Guanzon.

“Yes the people should know who they are voting for transparency and accountability. Do you agree Comm @LTFGuia,” aniya pa.

Nasa 185 partylist groups ang naghain ng Certificate of Nomination noong panahon ng paghahain ng kandidatura para sa 2019 midterm polls, mula Oktubre 11 hanggang Oktubre 17,  habang 152 naman ang naghain ng Certificate of Candidacy para sa pagka-senador.

Ang opisyal na listahan naman ng mga kandidatong papayagang tumakbo sa halalan ay nakatakdang ilabas ng Comelec sa Disyembre.

Ang National and Local Elections ay nakatakdang idaos sa bansa sa Mayo 13, 2019.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.