LIVE EVENTS WORKERS AYUDAHAN –SEN. GO

Senador Bong Go

UMAPELA si Senador Christopher Bong Go sa mga ahensiya ng pamahalaan na huwag kalimutang  tulungan  ang nawalan ng trabaho dulot ng COVID-19 crisis lalo na ang mga manggagawa ng mga industriyang hindi makapag-operate dahil sa social distancing at community quarantine.

Ani Go, maraming industriya  ang hindi pa makapag-operate  dahil bawal pa ang pagtitipon gaya ng mga nag-oorga­nisa ng live events at maging ang mga tao sa entertainment industry  lalo na ang mga production crew ay dapat matulungan dahil  hirap pang makabalik sa kanilang trabaho.

Kabilang sa mga tinutukoy na live events, ang meeting, conferencing, exhibits, concerts, theatrical productions, corporate, social, cultural, fashion, sporting, club events,  weddings at ma­ging family celebrations.

Binigyang diin ni  Go na walang dapat na mapabayaan sa panahon ng  krisis kaya dapat na tulungan ang mga nasa industriyang  nabanggit upang mapagaan ang kanilang pinapasan.

Partikular na tinukoy ni Go ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Labor and Employment (DOLE) na tignan ang kalagayan ng mga displaced workers at tiyaking may programang tutulong sa mga ito  na makaahon sa kanilang sitwasyon.

Nanawagan din ang senador sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbigay ng emergency assistance sa mga apektadong indibiduwal sa  pamamagitan ng Assistance for Individuals in Crisis Situations Program.

Una nang umapela ang National Live Events Coalition sa gobyerno  para matulungan ang kanilang mga miyembro na kinabibilangan ng  businesses and industry professionals,  institutions, agencies, technical and staging providers, concert and  festival producers, wedding and  social events planners, venues, performers at freelance production workforce.           VICKY CERVALES

Comments are closed.