(Live fire exercise sa dagat) US-PH BALIKATAN 2023 POKUS SA MARITIME DEFENSE

NAKAPOKUS ngayon ang gaganaping RP-US Balikatan 2023 sa maritime defense, coastal defense at maritime domain awareness sa gitna ng umiinit na isyu freedom of Navigation sa South China Sea at tumitinding usapin hinggil sa overlapping claims sa ilang teritoryo sa nasabing karagatan kasama ang West Philippine Sea na may mga teritoryong pinag-aagawan din.

Gayunpaman, nilinaw ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang nakatakdang pinakamalaking joint war drill sa pagitan ng United States at Pilipinas ay walang pinatutungkulan bansa.

Nabatid na sa kauna-unahang pagkakataon ay magsasagawa ng live fire exercise sa dagat ang pinagsanib na puwersa ng Amerika at Pilipinas sa karagatang sakop ng Zambales bukod pa sa coastal defense exercises.
Ang RP-US Balikatan 2023 iteration ay itinuturing ngayon na pinakamalaking joint military exercise na taunang pinamumunuan ng AFP kasama ang US Armed Forces bukod pa sa mga sasaling allied countries na magsisilbing observers.

Kinumpirma ni Col. Michael Logico, tagapagsalita ng Balikatan 2023 na hindi katulad noong nakaraan, ang ilang mga aktibidad ngayong taon ay gaganapin sa labas ng tradisyonal na training areas.

Sa panahon ng live fire exercise sa karagatan, papuputukan at palulubugin ng mga tropang Pilipino at Amerikano ang isang target na sasakyang-pandagat.

Magugunitang una ng inihayag ni Philippine Army chief Lt. Gen. Romeo Brawner Jr., na mas maraming tropa ng Pilipinas at Amerika ang inaasahang makikilahok sa gaganaping bilateral war exercises.

Pinaplantsa pa ang pinal na bilang ng mga sundalong makikiisa sa gaganaping war game ngunit sinasabing posibleng umabot ito sa 12K sundalo mula sa US Armed Forces at 5K naman mula sa AFP.

“There will also be observers from Japan, South Korea, ASEAN, the United Kingdom, France, and India,” ani Logico.

Ang mga nakalatag na pagsasanay ay kabibilangan ng iba’t-ibang aktibidad na tutuon hindi lamang sa pagpapalakas ng fighting capabilities ng mga sundalo, kundi pati na rin sa mga non-traditional roles tulad ng humanitarian assistance at disaster response.

Layunin nito na ihanda ang hukbo ng dalawang bansa sa lahat ng uri ng panganib na maaari nitong kaharapin sa hinaharap mapa-man made o natural threats man. VERLIN RUIZ