LAGUNA – INARESTO ng Provincial Intelligence Branch (PIB) PDEA-4A at Lumban-PNP ang live-in partners na negosyante sa buy bust operation sa kanilang tirahan sa Lagumbay Road, Brgy. Segunda Pulo.
Sa ulat ni PIB Chief PMaj. Ryan Jay Orapa kay Laguna PNP Provincial Director PLt. Col. Eleazar Matta, nakilala ang suspek na sina Marc Anthony Mercado, 36, alyas Mac-Mac, barong maker, at live-in partner nitong si Sharine Legaspi, 29, alyas Sha, barong machine operator, pawang mga residente ng nasabing lugar.
Sa talaan, lumilitaw na pawang sangkot sa ipinagbabawal na droga ang mga suspek kung saan napabibilang sa Priority High Value Individual Provincial Level si Mercado habang si Legaspi ay napabibilang naman sa Street Level Individual.
Alas-2:30 ng madaling araw, ayon sa ulat nang magkasa ng buy bust operation ang naturang operatiba sa lugar sa pamumuno ni Orapa at Lumban Chief of Police PCapt. Jollymar Seloterio at kanilang mga tauhan habang isa sa mga ito ang nagpanggap na buyer gamit ang halagang P500.
Sinasabing doon mismo sa harapan ng bahay ng mga suspek isinagawa ng pulisya ang pag-aresto kasunod ang pagkakumpiska sa mga ito ng tatlong piraso ng heatsealed transparent plastic sachet na naglalaman ng umaabot sa 7.5 na gramo ng shabu na may kabuuang street value na P50,000. DICK GARAY
Comments are closed.