CAGAYAN- PATAY ang isang lalaki habang ang kanyang live-in partner ay sugatan matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Tuguegarao City dakong alas-5:45 ng hapon.
Kinilala ng mga tauhan ni P/Col. George Cablarda, hepe ng Tuguegarao City Police Station, ang biktima ng pamamamaril na sina Simon Delos Santos na nasawi habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan at si Monaliza Esquibil, 31, kapwa kawani ng isang security agency at residente ng Barangay Pallua Norte, lungsod ng Tuguegarao.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na umano ang mga biktima lulan ng kanilang kotse mula sa kanilang trabaho nang pagbabarilin sila ng hindi pa nakikilalang suspek na lulan naman ng motorsiklo sa Barangay Caritan Norte, Tuguegarao City.
Nagtamo ng hindi pa mabatid na tama ng baril ang mga biktima na ikinasawi ni Delos Santos, kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas si Esquibil sa isang pagamutan sa lungsod ng Tuguegarao
Dahil sa bilis ng pangyayari ay walang nakakilala sa mga suspek dahil nakasuot ang mga ito ng helmet.
Hindi iniaalis ng mga awtoridad ang motibo na maari umanong love triangle ang isa sa kanilang tinitignang angulo ng pamamaril sa mag-live-in partner. IRENE GONZALES
Comments are closed.