LAGUNA – TIMBOG sa drug buy bust operation ng mga kagawad ng Alaminos Drug Enforcement Unit (DEU) ang mag-live-in partner matapos makumpiskahan ng hindi pa mabatid na gramo ng shabu sa Brgy. San Agustin, bayan ng Alaminos kamakalawa ng gabi.
Base sa isinumiteng ulat ni PCapt. Serafin Gapunuan, hepe ng pulisya kay Laguna-PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang naarestong mga suspek na sina Joel Garcia Verzonilla, 38, at live-in- partner nitong si Margarita Abril, 39, pawang mga residente ng nasabing lugar.
Sa talaan, sinasabing napabibilang sa drugs watchlist ng pulisya ang mga suspek kung saan matagal na umanong target ang mga ito sa lugar.
Bandang alas-10:10 ng gabi ng magkasa ng operasyon ang mga tauhan ni Gapunuan habang isa sa mga ito ang nagpanggap na buyer gamit ang buy bust money kasunod ang isinagawang pag-aresto sa mga suspek.
Dahil dito, hindi na nagawa pang makapalag ng mga suspek matapos makumpiska sa kanilang pag-iingat ang nasa anim na small heatsealed transparent plastic sachet ng shabu.
Kaugnay nito, kusang loob na umamin sa pulisya ang mga suspek kung saan umaangkat umano ang mga ito ng shabu.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa Alaminos-PNP lock up cell na kapwa nahaharap sa paglabag sa Section 5 and 11 in Relation to RA-9165. DICK GARAY
Comments are closed.