TILA nagpakita ng kanilang gilas ang China nang magsagawa ng simulated missile attack ang Chinese Navy sa hindi tinukoy na lugar sa South China Sea.
Ayon sa ulat, gumamit ang mga ito ng tatlong target drones at pinalipad ng ship formation pero magkakaiba ang distansya.
Sinasabing ang military drill ay bahagi ng paghahanda ng China para sa isang “real-life combat” partikular na sa himpapawid.
Matatandaang nagpahayag ng pagkabahala ang Estados Unidos sa nangyayaring militarisasyon sa South China Sea na ipinaabot ni US Secretay of State Mike Pompeo sa Chinese government sa kanyang pagbisita noong Huwebes sa nasabing bansa.
Ipinagtanggol din ni Pompeo ang paglalayag ng barko ng US at paglipad ng mga fighter jet sa nasabing lugar dahil kailangan ang ganitong aksiyon para mapigilan ang China sa paglilimita sa paglalayag sa pinag-aagawang isla.
Samantala, nakatakdang imbestigahan ng dalawang komite ng Senado ang polisiya ng gobyerno sa West Philippine Sea.
Pangungunahan ang pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations ni Senator Loren Legarda alinsunod sa dalawang resolusyon na inihain nina Senator Antonio Trillanes at Bam Aquino. Nais paimbestigahan ni Trillanes ang pagtatayo ng China ng missile system sa tatlong outposts sa Spratlys.
Kamakailan lamang ay nagreklamo ang mga mangingisda sa mga isla na kinukuha umano ng Chinese Navy ang kanilang magagandang huling isda. VERLIN RUIZ
Comments are closed.