LIVELIHOOD ASSISTANCE SA OFWs SA HALIP NA CASH AID

Hans Leo Cacdac

IMBES na cash aid ay livelihood assistance na lamang ang ipagkakaloob ng pamahalaan sa mga uuwing overseas Filipino workers, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

“It’s time to shift to livelihood assistance, at ‘yan po ay gagawin natin sa darating na buwan, itong Agosto at Setyembre,” wika ni OWWA head Hans Cacdac sa isang media briefing.

Paliwanag ni Cacdac, ang social amelioration ang naunang ginawang prayoridad dahil ito ang kagyat na pangangailangan ng mahigit sa 300,000 OFWs na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Cacdac, sa ilalim ng AKAP program ng DOLE, mahigit sa 200,000 OFWs ang tumanggap ng cash aid na nagkakahalaga ng ₱2.5 billion.

Noong Mayo ay nagkaloob ang Department of Budget and Management (DBM) ng karagdagang  ₱1 billion na pondo para sa one-time cash aid program na ₱10,000 sa bawat OFW.

Sinabi pa ni Cacdac na pagkakalooban din ng scholarship assistance ang isang college dependent ng bawat uuwing OFW.

“To date, more than 100,000 OFWs have come home, majority or 95,000 have been sent to their hometowns,” dagdag ni Cacdac. CNN PHILIPPINES