LIVELIHOOD AYUDA NG DOLE SA CAR

Labor Secretary Silvestre Bello III-a

BILANG suporta sa layunin ng administrasyon ni Presidente Duterte na wakasan ang pag-aalsa laban sa pamahalaan, ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay patuloy na nagbibigay ng tulong sa mga indibidwal at margina­lized group sa mga lugar na pinapasok ng mga komunista.

Kamakailan lamang, may P3.084 milyong ha­laga ng tulong-pangkabuhayan ang ipinagkaloob sa Cordillera Administrative Region (CAR) para maiangat ang kondisyon ng mga tao sa nasabing lugar.

Bilang miyembro ng Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster of the Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC), nagkaloob ang DOLE ng tulong sa mga indibidwal at organisasyon sa nasabing rehiyon.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na ang tulong ay ba­hagi ng papel ng DOLE sa pagpapatupad ng socio-economic development at confidence-building measure upang wakasan ang lokal na hidwaan.

Ipinahayag ni DOLE-CAR-Regional Director Exequiel Ronnie Guzman na ipinagkaloob ng kanilang tanggapan ang tulong sa pamamagitan ng iba’t ibang lokal na pamahalaan.

Kabilang sa naaprubahang proyekto ng mga benepisaryo ay ang Layer Egg Production na nagkakahalaga ng P323,081.00 ng Sitio Dilong sa Barangay Tubo sa Abra na may 51 miyembro; Rice Mill na may pondong P430,234.00 para sa Upper Atok Upland Far­mers Association sa Bara­ngay Atok, Flora sa Apayao na may 89 miyembro; at ang pagtatayo ng Ba­kery na nagkakahalaga ng P456,360 para sa Malaganay-Layugan Organization sa Barangay Malayugan sa Flora, Apayao na may 100 miyembro.

Ang iba pang proyekto ay Rice Wine Production na nagkakahalaga ng P459,707 para sa Amduntog Rice Wine Producers Association sa Barangay Amduntog, Asipulo, Ifugao na may 52 miyembro; at pagbili ng mga kagamitang pangsaka na nagkakaha­laga ng P489,960 para sa Ankileng Ruma­ng-a­yan Organization ng Barangay Ankileng sa Sagada.

Sa Kalinga, may tatlong proyekto para sa Apa­tan Farmers Indigenous Association sa Barangay Apatan sa Pinukpuk, ang Tanglag Community Organization, at ang Unity for Development of Barangay Tanglag, Lubuagan, na may nakalaang P400,004.50 at P504, 880.00 ayon sa pagkakasunod, para sa pagbili ng post-harvest facilities.

Samantala, Duck Raising na may P200,000 pondo ang proyekto ng indibidwal na tatanggap mula sa Barangay Dupag sa Lubuagan.

Ayon kay Guzman, ang tagumpay at pagpapanatili ng proyektong pangkabuhayan ay nakasalalay sa suporta at kooperasyon ng benepisaryo, habang mahigpit namang babantayan ng DOLE ang implementasyon ng proyekto sa loob ng isang taon. PAUL ROLDAN

Comments are closed.