LIVELIHOOD TRAINING SA LGBTQI COMMUNITY

PCUP-3

INUUNTI-UNTI na ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang pagbibigay ng tulong sa mga maralita na kabilang sa minority group na LGBT para makinabang ang mga ito sa programa at serbisyo ng gobyerno.

Tatlumpung mga nasa LGBTQI group mula sa Davao City nitong Miyerkoles, Hulyo 3, ang nakinabang sa tatlong araw na sustainable livelihood program (SLP) training ng DSWD sa inisiyatibo ng ahensiya.

Inilapit ng komisyon sa mga lider ng LGBT ang programang SLP upang matulungan ang mga ito na mabigyan ng alternatibong kabuhayan sa kanilang sektor.

Makatatanggap ng P15,000 na pangpuhunan ang mga kalahok sa nasabing pagsasanay o training upang maitayo ang kanilang negosyo.

“We initiated this kind of program with the DSWD to capacitate and identify leaders who can sustain the program; the marginalized sector and the minority groups like them can also be given assistance from the government,” ayon kay PCUP Commissioner Norman Baloro,

Matatandaang noong 2018, naglabas ang naturang ahensiya ng resolusyon na “Kabahagi Kabahaghari” na nagsasaad na isama at isaalang-alang ang karapatan ng LGBT sa mga polisya at programa ukol sa pag-unlad.

Sinabi ni Baloro na ang PCUP ay magbubuo pa ng mga epektibong polisiya para matulungang maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga nasa urban poor areas sa sektor ng children, youth, PWD, women, elderly, indigenous people at LGBT.

Siniguro rin nito na susuporta ang komisyon sa mga pangangailangan ng maralitang tagalungsod na bahagi ng minority groups.  BENEDICT ABAYGAR, JR.