LIVELIHOOD TRAINING SA SENIORS

Rep Precious Hipolito-Castelo-3

MAGIGING aktibo ulit ang mga senior citizen sa lipunan sa oras na maisabatas ang paglikha ng Senior Citizens Technology and Livelihood Centers sa lahat ng mga barangay sa bansa.

Sa House Bill #1347 na inihain ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo, maglalagay ng technology at livelihood centers sa bawat barangay na para lamang sa mga senior citizen.

Layunin ng panukala na ma-maximize ang kakayahan at mahikayat ang mga matatanda sa komunidad na mayroon pa rin silang magagawa para sa ikauunlad ng bansa.

Isang paraan din ito para kilalanin ang mga naiambag ng mga senior citizen sa kanilang mga productive year at bigyang-pansin ang mga maaari pa rin nilang magawa sa kanilang mga lugar.

Tinitiyak naman ng panukala na ang teknolohiyang gagamitin at mga livelihood program na malilikha para sa mga senior citizen ay akma sa kanilang edad at kakayahan.

Binibigyang mandato ang Department of Social Welfare and Development  (DSWD) na makipag-ugnayan sa mga LGU upang makapaglagay ng Senior Citizens Technology and Livelihood Center sa lahat ng barangay sa buong bansa at bumuo ng guidelines para sa mga ­programa.   CONDE BATAC

Comments are closed.