DAHIL ipinagbabawal ang fans sa venue, sumandal ang PBA kapwa sa TV at social media platforms upang maiparamdam ang presensiya nito sa Philippine Cup bubble Finals sa pagitan ng Barangay Ginebra at ng TnT Tropang Giga.
Sa pinakahuling numero na ipinalabas ng liga ay lumitaw na may average na 1.5 million livestream viewers per game ang nanood ng best-of-seven title series na napanalunan ng Kings sa limang laro.
Ginawa ni PBA Board of Governor Al S. Panlilio ang disclosure makaraang kumpirmahin ang livestream figures mula kay Sienna Olaso, VP for Channels and Content ng Cignal TV Inc.
“The Finals alone on PBA Rush and livestreaming, we had an average of 1.5 million viewers per game,” wika ni Panlilio, presidente ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
“And that was only five games. Com. Willie (Marcial), kung naging Game 7 iyan, baka naging 3 million ‘yun,” pabirong sabi ng Meralco board of governor.
Ang title-clinching win pa lamang ay nagtala na ng 331.8 K viewers kung saan tinapos ng Ginebra ang serye kontra TnT Tropang Giga, 82-78.
Sa Game 2 kung saan kinuha ng Gin Kings ang 2-0 series lead kasunod ng 92-90 comeback win ay umabot ang livestream viewers sa peak nito sa 293K.
Nakakuha rin ang liga ng malaking livestream viewerships sa eliminations at playoffs, kabilang dito ang unang laro ni Calvin Abueva mula sa first 16-month suspension, ang hard-earned overtime win ng Rain or Shine laban sa Barangay Ginebra, at ang do-or-die Game 5 sa pagitan ng Kings at ng Meralco Bolts para sa huling Finals berth.
Bilang bahagi ng mahigpit na health protocols na ipinatupad ng liga, kasama ang Clark Development Corporation (CDC), ang fans ay ipinagbawal sa loob ng Angeles University Foundation gym dahil sa COVID-19 pandemic.
Comments are closed.