LIZA MAZA NAGBITIW

LIZA MAZA

IKINALUNGKOT ng Malakanyang ang pagbibitiw sa puwesto ni National Anti Poverty Commission (NAPC) lead convenor Liza Maza.

Sa ginanap na press briefing kahapon sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na natanggap na ng Office of the President ang irrevocable resignation ni Maza at malaking kawalan ito sa gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte lalo pa at  sa ilalim ng kanyang pamumuno nakapagtala ng mababang bilang ng mga Filipino na nakaranas ng pagkagutom.

Ayon kay Roque, nanghihinayang din  ang Malakanyang sa pagbibitiw ni Maza na naipakita ang kahusayan sa pamamalakad sa mga programa ng NAPC.

“She had the trust and confidence of the President and she resigned. We always regret when people who enjoy the trust ad confidence of the President leave their post” giit ni Roque.

Idinahilan ni Maza sa kanyang pagbibitiw sa puwesto ang pagkansela ng Pangulong Duterte sa usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army.

Samantala, pinabulaanan ni Roque ang pahayag ni Maza dahil pursigido pa rin ang Pangulo na ituloy ang usaping pangkapayapaan subalit  gaganapin ito sa Filipinas at mananatili ang kondisyong pagpapatigil sa pangongolekta ng revolutionary tax at itigil ang pag-atake sa gob­yerno.

Ayon kay Roque, tuloy rin ang localized peace talks sa makakaliwang grupo.

Magugunita na ilang linggo lang ang nakalilipas nang mapaulat na pinaaaresto sina Maza kasama ang tatlong iba pang dating militanteng mambabatas kaugnay sa kasong double murder na iniharap laban sa kanila na pagkaraa’y idinismis din  ng korte.  EVELYN QUIROZ

Comments are closed.