LLDA NAGPASAKLOLO SA KAMARA

UMAMIN ang mga opisyal ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) na bigo ito na magampanan ang kanilang tungkulin partikular ang masigurong nasa maayos na kalidad ang tubig at nababantayan ang commercial at industrial companies na kumukuha ng kanilang suplay ng tubig sa Laguna de Bay.

Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development, na pinamumunuan ni 2nd Dist. Quezon City Rep. Winston Castelo, tinukoy ng LLDA officials, na kinabibilangan nina Department Manager Engr. Emiterio Hernandez at Senior Science Research Specialist  Ireneo Bongco, ang kakulangan umano sa kinakailangang bilang ng mga tauhan ang sanhi kung bakit hindi nila lubos na naisasakatuparan ang iba’t ibang responsibilidad na nakaatang sa kanila.

Sa kasalukuyan ay mayroon lamang silang 20 inspektor na nagsasagawa ng kinakailangang annual inspections ng nasa 10,000 establisimiyento na nasa paligid ng Laguna Lake upang mabatid kung sinusunod ng mga ito ang regulasyon ng naturang ahensiya.

Giit ni Partylist Senior Citizen Rep. Francisco Datol Jr., maaaring magpatulong ang LLDA gayundin ang Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa local government units (LGUs) na nasa paligid ng Laguna Lake sa pagbabantay sa mga lumalabag sa pangangalaga rito.

“Likewise, it is necessary to strengthen existing laws and increase the penalties for violators,” dagdag pa ng partylist lawmaker.

Kinumpirma ng LLDA officials na ang walang habas na pagtatapon ng maruming tubig sa itinutu­ring na “largest inland body of water of the Philippines,” ang nagbibigay ng peligro sa kalidad ng tubig nito, na pinagkukunan din ng suplay ng tubig sa Metro Manila at mga karatig-bayan.

“Laguna Lake is now a major resource that supplies the domestic water requirement of the nearby cities and towns along the lake. This was made possible by LLDA Board Resolution 338, series of 2007 allowing extraction of lake waters subject to the grant of permits. Permit for Manila Water Services Inc. (MWSI) to extract a maximum volume of 300,000 cubic meters per day has been approved in July 2009,”  pahayag ng mga ito.

Subalit sa pagtataya ng ahensiya, nasa 40 porsiyento ng mga nabigyan ng permit para sa MWSI ay hindi sumusunod sa itinatakda ng Republic Act 9275, o ang “Philippine Clean Water Act,” lalo na sa kautusan na ang lahat ng establisimiyento, industrial parks at pagawaan ay kinakailangang magkaroon ng centralized water plants.

Hinggil naman sa pangangalaga sa tubig ng lawa, karamihan sa mga lumalabag umano rito ay ang nasa hanay ng “quick-service restaurants” o ‘fast food outlets,” na walang kaukulang water treatment facilities, na diretsong nagtatapon ng kanilang ‘waste water’ sa Laguna de Bay.

Kung kaya umapela ang LLDA sa Kamara de Representantes na mabigyan sila ng karagdagang kapangyarihan at tauhan nang sa gayon ay maging epektibo sila sa kanilang mga gawain sa pangangalaga ng naturang lawa.     ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.