LOAN PROGRAM SA MALILIIT NA NEGOSYO ISINUSULONG UPANG MAPIGILAN ANG LAYOFFS

SEN WIN GATCHALIAN

IMINUNGKAHI ni Sen. Sherwin Gatchalian sa pamahalaan na maglatag ng isang  subsidy program na kahalintulad ng Paycheck Protection Program na ipinatutupad sa Estados Unidos upang  maiwasan ang layoffs o sibakan sa trabaho bunsod ng ipinaiiral na quarantine dulot ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Gatchalian, vice chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang Paycheck Program ay isang loan program na naglalayong magkaloob  ng insentibo sa maliliit na negosyo upang  mapanatili ang kanilang mga manggagawa sa trabaho.

Ang mga  business owner ay maaaring makakuha ng full loan forgiveness bilang insentibo ngunit kinakailangang gamitin ang pondo sa mga karapat-dapat na gastusin.

“If we can include this in the Bayanihan 2, malaking bagay po ito sa ating mga employee, and also for our companies. Marami talagang kompanya na nagda-downsize at sigurado akong mas marami pa ang mawawalan ng trabaho. Tiyak babalik din sila sa gobyerno, sa LGU o sa national government. Hindi na iyan kakayanin ng gobyerno. Babalik at babalik sila sa gobyerno para humingi ng suporta,” pahayag ni Gatchalian.

“A Paycheck Protection Program-like subsidy will hit two birds with one stone. You secure the te­nure of employees and at the same time you gene­rate the economic side,” dagdag pa ng senador.

Sa kasalukuyan , nasa P5,000 hanggang P8,000 wage subsidy lamang ang tulong na ipinagkakaloob ng pamahalaan sa mga empleyado sa ilalim ng Small Business Wage Subsidy (SBWS) sa pamamagitan ng Social Security System (SSS). Ito ay one-time subsidy lamang at hindi nagbibigay ng   pangmatagalang suporta sa mga empleyado.

Ayon kay Gatchalian, marami sa mga empleyado ang nawalan ng trabaho makaraang magsara ang kanilang kompanya dahil sa Co­vid-19 pandemic.  Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 7.3 million Filipinos ang walang trabaho simula pa noong April 2020. Ito ang pinakamataas  na  unemployment rate na naitala sa bansa.

Samantala, muling iginiit ni Gatchalian na bigyang-prayoridad  ang  pagpapanatili sa trabaho  ng mga manggagawa. Aniya, mangangailangan ang pamahalaan ng tinatayang P30 bilyon para lumikha ng direct at indirect jobs para sa mga apektado ng COVID-19.                  LIZA SORIANO

Comments are closed.