LOBO: HATID AY NGITI SA KAHIT NA SINO

LOBO

(ni CYRILL QUILO)

ANG lobo ay naging kasiya-siya sa ating paningin. Bawat bata ay napapasaya nito. Gustong-gusto ito ng mga bata. Kapag sila ay nakakita ng mga nagtitinda nito, talaga namang maglulupasay at mapi­pilitan ang kanilang kasamang magulang na bilhin ito. Napaka-simpleng bagay ngunit nagbibigay kasiyahan sa marami.

Matatandaan natin noong tayo ay mga bata pa lamang, may kinakanta tayong “Ako ay may lobo, lumipad sa langit…” Hindi ka Pinoy kung hindi mo alam ang kantang ito.

Marami sa atin na hindi lang kasiyahan sa buhay ang hatid ng lobo. Minsan ito ay kasama na rin sa paghahatid sa huling hantungan. Ngunit ang iba naman sa atin ay ito ang kanilang naging hanap-buhay, noon at ngayon.

Isa na rito si Wilson Gabato, 40-anyos ng Cebu City. Mahigit 30 taon nang nagtitinda ng lobo sa harap ng isang simbahan. Nag-umpisa siyang magtinda ng lobo sa harapan ng Sto. Niño Church noong siya ay 11 taong gulang pa lamang. Noong siya ay lumaki at nagkapamilya, ito na rin ang kanyang naging trabaho bilang pambuhay sa kanyang pamilya. Dahil din sa naturang negosyo ay napag-aral niya ang kanyang limang taong gulang na anak.

Gumigising siya ng maaga para abangan ang mga taong maaga rin kung magsimba. Nagsisimula siyang magtinda ng lobo ng alas-5 ng mada­ling araw at umuuwi ng alas-7 ng gabi. Kumikita siya ng 20 hanggang 35 pesos bawat isang lobo.

Noong una ay hindi naging madali sa kanya ang pagtitinda nito dahil sa kawalan ng puhunan. Nagsikap siya at umutang sa mga lending company ng halagang 10,000 pesos upang makapagsimula ng maliit na negos­yong lobo.

Ngayon ay nakauubos siya ng 50 pirasong lobo bawat araw at kumikita siya ng halagang 1,000-1,500 pesos bawat araw.

Dahil sa kanyang sipag at pagtitiyaga ay nakararaos sa buhay si Wilson. Hangga’t kaya rin ng kanyang katawan ay patuloy siyang magtitinda ng lobo lalo pa’t ngiti at kasiyahan ang hatid nito sa kahit na sino. Nani­niwala rin si Wilson na ginagabayan siya ng Mahal na Sto. Nino de Cebu kaya’t patuloy na kumikita ang kanyang simpleng negosyo ngunit malaki ang hatid na ngiti sa mga mamimili gayundin sa mga bata.

Comments are closed.