LOBOS NANGUNA SA RATSADA NG BEST SA PSI OPEN

NAKABAWI si Jordan Ken Lobos laban sa mga kilalang karibal nang pangunahan ang Philippine BEST (Behrouz Elite Swimming Team) sa isa pang produktibong kampanya sa penultimate day ng 2022 Philippine Swimming Incorporated (PSI) National Open nitong Sabado sa bagong pinangalanang Olympic standard Teofilo Ildefonso swimming pool sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.

Ang 19-anyos na si Lobos, produkto ng Calayan Educational Foundation Incorporated sa Lucena City, ay bumangon mula sa pagkatalo sa 50-meter events nitong Biyernes matapos lagpasan ang kanyang mga karibal sa men’s 100-m breaststroke sa loob ng isang minuto at anim na segundo.

Tinalo ni Lobos si Samuel Alcos ng Ateneo Blue Knights (1:06.07) at ang third placer na si Rafael Isip ng Ayala Harpoons (1:07.02).

Ang swimming protégé at junior national record holder na sina Micaela Jasmine Mojdeh at Jules Mirandilla, parehong sumungkit ng gintong medalya sa unang araw ng kompetisyon, ay tumapos na pangalawa sa pagkakataong ito habang ang BEST ay gumawa ng isang matikas na ratsada para sa ranking system sa tournament na nagsisilbing bahagi ng proseso sa pagpili ng PSI sa pagbuo isang malakas na pambansang koponan na sasabak sa iba’t ibang internasyonal na torneo, kabilang ang 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo 12-27.

Tinaguriang ‘Water Beast’, si Mojdeh,  Grade 10 student sa Brent International sa Laguna at produkto ng grassroots program ng yumaong Olympian Susan Papa, ay pumangalawa sa women’s 50m butterfly (29.65) at 400m Individual Medley (5:16.29).

Sa araw ng pagbubukas nitong Biyernes, nakuha ni Mojdeh ang gintong medalya sa women’s 100-m butterfly (1:03.09) laban sa mga beteranong karibal na kinabibilangan ng dating UAAP champion at National team mainstay na si Kristen Chloe Datos (1:04.10). Siya ay pumangalawa sa women’s 200-m Individual Medley (2:28.48) sa likod ng isa pang national na si Xiandi Chua ng La Salle (2:23.31).

Si Mirandilla, na nanguna sa men’s 100m butterfly sa opening day, ay pumangalawa sa pagkakataong ito sa men’s 50m butterfly (25.70).

Ang isa pang beteranong international campaigner na si Marcus Johannes De Kam sa wakas ay nakakuha ng podium finish sa ikatlong puwesto na pagganap sa men’s 200m freestyle (1:59.81), habang si John Neil Paderes ay sinundan ang kanyang second-place output sa men’s 100-m backstroke sa unang araw ng tatlong araw na torneo na may ikatlong puwesto sa 200-m backstroke (2:13.81).

Sa ikalawang araw ng kompetisyon, kumubra ang BEST squad ng tatlong gold, limang silver, at tatlong bronze medals kung saan nangunguna si Mojdeh sa women’s individual ranking na may kasalukuyang  71 puntos — 11 puntos ang bentahe kina Thany De La Cruz (60 points) at Xiandi Chua (60 points).

Sa men’s division, una si Joshua Del Rio na may 86 puntos kasunod sina Miguel Barreto (60) at De Kam (59).

“We are hoping to close out our campaign on a high note. It’s really boosting our swimmer’s morale, looking back the lost time and chances due to lockdown,” pahayag ni Joan Mojdeh, butihing ina ni Jasmine at BEST team manager EDWIN ROLLON