HANGGANG Mayo 1 lamang maaaring i-avail ng mga kuwalipikadong botante ang local absentee voting (LAV) para sa nalalapit na May 13 midterm election. Ito ang ipinaalala ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez, kasabay ng pormal nang pagsimula ng LAV nitong Lunes, Abril 29.
Ayon kay Jimenez, umaasa rin silang aabot sa 50% ang turnout ng LAV na inilaan nila para sa mga botante na naka-duty at hindi makakaboto sa mismong araw ng halalan.
Nabatid na kabuuang 34,693 ang aplikasyon na inaprubahan nila para sa LAV.
Karamihan aniya sa mga nag-apply para rito ay ang miyembro ng Philippine Army (PA) na umabot sa 21,488; Philippine National Police (PNP) na nasa 8,501; at Philippine Air Force (PAF), na umabot naman ng 2,335.
May mga nag-apply rin naman mula sa Department of Education, Philippine Navy, Comelec, Philippine Coast Guard, Bureau of Jail Management and Penology, National Bureau of Investigation, Bureau of Fire Protection, Department of Labor and Employment at maging miyembro ng media, na naka-duty rin sa election day.
Sa ilalim ng LAV, tanging mga senador at party-list lamang naman ang maaaring iboto ng mga local absentee voter. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.