LOCAL BETS UMEKSENA SA PAI NAT’L TRIALS

UMAGAW ng pansin ang mga unheralded local bets na sina Billie Blu Mondonedo, Maxene Hayley Uy, Sophie Rose Garra, at Liv Abigail Florendo laban sa mga kilalang katunggali na homegrown at Filipino-foreign breed nitong Linggo sa pagtatapos ng Philippine Aquatics, Inc. (PAI) 50- meter long course National Trials sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa Malate, Manila.

Pinatatag ng 17-anyos na si Mondonedo, isang US-born Filipino at kasalukuyang miyembro ng FTW Royals Swim Club, ang katayuan na maksama sa Philippine Team matapos pagbidahan ang girls 16-18 100-meter freestyle sa tiyempong 56.64 at lagpasan ang SEA Age Qualifying Time Standard (QTS) na 58.41.

Ginapi ng Fil-American, sinanay ng Sandpiper Nevada sa Southern California, ang teammate niyang si Arabella Nadeen Taguinota (1:01.13) at Asian Age Group Championship campaigner na si Trixie Ortiguerra ng Tarlac Mako (1:01.62) para sa ikatlong QTS gold medal sa event na nagsilbing seleksyon para sa mga miyembro ng Philippine Team na nakatakdang lumahok sa international tournament kabilang ang SEA Age Group tilt sa Disyembre sa Bangkok, Thailand.

Nakumpleto ni Mondonedo ang kanyang mastery sa freestyle sa pamamagitan ng mga tagumpay sa 50-meter (26.48) na nagpahusay sa QTS na 27.05 at 200-m (2:08.34) na nalampasan ang 2:09.09 standard time sa apat na araw na event na suportado ng Speedo, Pocari Sweat at ang Philippine Sports Commission (PSC)

“It’s a dream come true. One step at a time, until I reach my goal to compete in a high-level competition, hopefully the Olympics in the future,” sabi ni Mondonedo.

Namayagpag din sina Uy, Garra, at Florendo para makasikwat ng puwesto sa National training pool sa impresibong kampanya sa kani-kanilang mga kategorya.

Ang 15-anyos na si Uy ng NOGCC Team ay nanguna sa girls’ 14-15 50-m backstroke na nagtala ng 31.15 segundo upang pahusayin ang 31.36 QTS; inangkin ni Garra ang tagumpay sa pamamagitan ng pagsira sa QTS na 1:09.52 sa girls-11-13 100-m back sa oras na 1:08.98; at si Florendo ay nanguna sa girls 11-13 200-m fly para ibaon ang QTS (1:09.52) sa oras na 1:08.98.

“We’re happy to see some unfamiliar names breaking the standard time in the Trials. This only proves that PAI swimming club members are seriously adopting the training program we crafted and distributed throughout our regional areas. We will review the results, para makita rin natin na puwedeng maisama yung ibang gold medalist na walang QTS but very potential,” wika ni PAI Secretary-General Batangas 1st District Congressman Eric Buhain.

Ang Filipino-American na si Gian Santos ay winalis ang kanyang five-event, all-QTS-breaking performance matapos manalo sa boys 16-18 100-m freestyle sa 50.70, halos tatlong segundo mula sa 53.01 QTS. Binasag din ng incoming freshman sa Columbian University sa New York ang QTS sa 400-m free (4:07.74) sa 4:01.26; 200-m IM (2:11.87) sa 2:05.99; 200-m free (1:55.45) sa 1:51.39: at 200-m breast (2:22.78) sa 2:18.30).

Ang homegrown star na si Jamesray Ajido ang naging winningest swimmer na nakakolekta ng pitong gintong medalya sa tuktok ng dalawang QTS performances matapos isara ang kanyang kampanya sa panalo sa boys 14-15 100-m free (54.32). Ang Asian Age Group gold medal winner ay nagwagi sa 50-m backstroke (28,57), 200-m freestyle (2:02.35), at 100-m butterfly (56.25) na binasag ang QTS (57.47), napantayan ang QTS na 24.64 sa 50-m free, 100-m backstroke (1:01.01) at 200-m Individual Medley (2:12.57).
CLYDE MARIANO