(Local campaign period simula na) MALAWAKANG COMELEC CHECKPOINTS INILUNSAD

CAVITE – NAGSANIB puwersa ang PNP, AFP at PCG sa inilunsad na malawakang Comelec checkpoint sa buong Cavite sa pagsisimula ng local campaign period ng mga kandidato kahapon ng madaling araw.

Kabilang sa mga lugar na inilunsad ang Comelec checkpoint ay sa kahabaan ng DaangHari, Bacoor City, Cavite kung saan pinangunahan nina Col Arnold E. Abad, PNP Provincial Director at Bacoor City Comelec Officer na kinatawan ni Jennifer Nolasco.

Nabatid na visual search lamang ang maaa­ring gawin ng mga awtoridad kapag hinahinto sa Comelec checkpoint ang motorista kung saan hi­hingan ng drivers license at rehistro ang motorcycle riders habang ang mga nasa SUV o 4-wheels drive ay magbaba ng bintana at magbukas ng ilaw sa loob ng sasakyan.

Ayon kay PRO4A Deputy Regional Director for Administration P/BGen. Gregory Bognalbal, wala silang namomonitor na election hotspot sa Calabarzon maliban sa mangilan-ngilan sa lalawigan ng Quezon habang patuloy naman ang pagbabantay at pagmomonitor para masiguro ang peace and order sa 2022 national at local elections sa Calabarzon.

Maging ang pamunuan ng Phil. Coast Guard-Cavite sa pangunguna ni Coast Guard Cavite Station LCDR Ailene Abanilla ay nakahandang magbigay ng manpower para makatulong sa election related activities ng pamahalaan.

Pinaghahandaan naman ni Cavite Police Provincial Office PIO P/Lt. Col Resty Soriano ang inaasahang pagbigat ng dakoy ng trapiko sa mga lugar na may Comelec checkpoint para mapanatili ang health protocol kung saan nanatili naman walang naitalang election related violence sa lalawigan ng Cavite. MARIO BASCO