LOCAL CHIEF EXECUTIVES ‘WAG MAWAWALA PAG MAY KALAMIDAD-ABALOS

PINAALALAHANAN ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang mga local chief executives na siguruhing hindi sila “missing in action” tuwing may tumatamang kalamidad o emergency situations sa kanilang nasasakupan.

Kaugnay ito ginawang pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Tacloban City upang alamin ang lagay ng mga lalawigang naapektuhan ng mga pagbahang dulot ng shear line.

Nakasama rito ng Pangulo ang ilang miyembro ng gabinete kasama sina DILC Secretary Abalos, Defense Secretary Gilbert Teodoro, at Social Welfare Secretary Rex Gatchalian.

Ayon kay Secretary Abalos, mahalaga ang pisikal na presensiya ng local executives sa mga ganitong pagkakataon lalo’t sila ang inaasahang magpapatupad ng disaster response measures sa kanilang mga lokalidad.

Nakasaad din sa DILG’s Operation Listo Manual na dapat present ang LCEs bago pa tumama ang kalamidad, habang umiiral ito at sa pangangasiwa sa pagbibigay tulong matapos ang anumang disaster.

“Sundin po natin ito upang masiguro ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” ani Abalos.
EVELYN GARCIA