LOCAL PUBLIC UTILITIES BINUKSAN SA FOREIGN OWNERSHIP

congress-1

LUSOT na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill no. 78 o ang Public Service Act, na naglalayong ibukas sa mga dayuhang mamumuhunan ang pagmamay-ari sa ilang local public utilities, kabilang ang telecommunications at transportation sectors.

Sa botong 136 ang pabor, 43 ang tutol at isa lang ang nag-abstain, inaprubahan ang nasabing panukalang batas, na nag-aamyenda sa 84 taon nang Public Service Act.

Nakasaad sa HB 78 ang paglilimita na lamang sa ituturing na public utilities, kung saan mananatili ang patakarang 60/40 ownership pabor sa mga Filipino, ang  electricity distribution, electricity transmission, at ang water pipeline distribution o sewerage pipeline services.

Ibig sabihin, ang iba pang public services na labas sa apat na lamang na tinutukoy na sektor ng naturang proposes measure ay maaari nang maging buo o 100 porsiyentong pag-aari ng foreign investors.

Subalit may probisyon din sa HB 78 kung saan maaaring madagdagan ang sektor na sakop ng public utilities base sa rekomendas­yon ng National Economic and Development Authority (NEDA) kung saan lilimitahan ang foreign ownership at titiyakin din na hindi mananaig ang monopolyo rito.

Pangunahing layunin ng Public Service Act na mapalakas ang foreign direct investment sa bansa o mapataas ang dayuhang pamumuhunan na makapagpapatatag sa ekonomiya ng bansa at lilikha rin ng mas maraming trabaho.

Sa pagtaya ng Kamara, kapag ganap na naipatupad ang panukalang batas ay magreresulta ito sa pagtaas ng hanggang 0.22 percent sa gross domestic products (GDP), gayundin ang actual wage rate sa 0.14 percent at maibababa naman sa 0.1 percent ang unemployment rate.

Subalit nanindigan naman si House Minority Leader at Manila Rep. Benny Abante na labag sa Saligang Batas ang HB 78, maituturing na  anti-Filipino at ‘diservice to the Filipino people’. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.