NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa publiko at maging sa Department of Tourism (DOT) na samantalahin ang ipinatutupad na travel ban sa China, Hong Kong at Macau dahil sa banta ng kinatatakutang 2019 novel coronavirus upang palakasin ang local tourist sa bansa.
Aminado si Gatchalian na apektado ang turismo sa bansa dahil sa ipinatutupad na travel ban.
Sa datos ng DOT, ang Chinese tourists ang pumapangalawa sa South Koreans na may pinakamalaking bilang na nagtutungo sa Filipinas.
Nabatid na sa kabuuang 7.4 milyong international tourists na dumating sa bansa mula Enero hanggang Nobyembre 2019, ang 1,626,309 dito ay galing ng mainland China.
Ang mga Chinese tourist ay gumagastos sa bansa ng $979.4 milyon o mahigit sa P51 bilyon sa loob lamang ng kalahating taon ng 2019.
Aniya, apektado sa travel ban ang mga bangkero, tour guides, at maging ang mga ordinaryong vendor dahil mababawasan ang mga turista.
Ipinunto pa ng senador na ang tourism industry sa Negros Oriental ay nakaranas ng sunod-sunod na kanselasyon ng booking matapos na maitala ng Department of Health (DOH) ang dalawang kaso na nagpositibo sa nCoV.
Dahil dito, nanawagan si Gatchalian sa mga kababayan at sa DOT na pairalin ang bayanihan para matulungan ang mga apektado ng travel ban sa pamamagitan ng pagpapalakas sa local tourist.
Aniya, sa halip na mamasyal o magbakasyon sa ibang bansa ang mga Pinoy, mas makakabuti na mag-travel na lamang sa mga magagandang lugar sa bansa.
Dagdag pa ni Gatchalian, dapat na palakasin ng DOT ang kanilang campaign at promotion sa domestic destination para sa mga local tourist upang hindi maapektuhan ng ipinatutupad na travel ban at kinata-takutang nCoV. VICKY CERVALES