SA AYAW man o sa gusto, tuloy ang localized peacetalks sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tanggapin man ng mga lider ng CPP o hindi ay itutuloy ng Malacañang ang localized peace talks sa rebeldeng grupo.
Sa pahayag ni Roque, mas alam ng mga frontliner ng CPP-NPA sa kanayunan ang kanilang mga pangangailangan kompara sa mga lider ng komunistang grupo na matagal nang wala sa bansa.
Suportado naman ng Hukbong Sandatahan ang plano ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na maglabas ng executive order para sa localized peace talks sa hanay ng rebelde sakaling tuluyan nang hindi matuloy ang isinusulong na national peace talks.
“The decision is very apt for the current trend in the field, and the Armed Forces is very much in support of President Duterte’s decision to localize the peace talks,” ito ang naging tugon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) public affairs office chief Col. Noel Detoyato kaugnay sa balak ng Pangulong Duterte na mag-isyu ng isang executive order.
Ayon kay Detoyato, ang desisyon ng Pangulo ay very realistic lalo pa ngayon na padami na ng padami ang mga rebeldeng NPA na kusang sumusuko sa pamahalaan.
“Armed NPA regulars are coming down in so many areas around the country and local peace talks is the appropriate approach,” ani Detoyato.
Kamakailan ay inihayag ng AFP na numinipis na ang bilang ng NPA sa buong bansa kung saan ay aabot sa 7,531 ang kanilang naneyutralisa Mula Enero 1 hanggang Hunyo 28 ng kasalukuyang taon.
Sinabi pa ni Roque, na iba ang pananaw ng mga combatant kompara sa grupo ng CPP founding chair Jose Maria Sison na nagpapasarap lamang sa Europa.
Nauna nang sinabi ni Sison na walang mangyayari sa anumang negosasyon sa kanilang grupo hangga’t si Pangulong Rodrigo Duterte ang nakaupo sa Malacañang.
Noong Hunyo 28 sana muling itutuloy ang peace talks pero ipinahinto ito ng Pangulo dahil kailangan pa niyang konsultahin ang sambayanan kung dapat pa ba o hindi na kausapin ang mga komunista.
Kasabay nito ay iniutos na rin ng Pangulo ang muling pag-aresto sa ilang mga negosyador ng CPP-NPA dahil temporary lamang ang safe conduct pass na ibinigay sa kanila ng gobyerno. VERLIN RUIZ
Comments are closed.