BAGAMAN mas mura ang mga imported na galunggong kaysa sa locally-produced, pababagsakin naman nito ang kabuhayan ng mga mangingisda.
Ito ang naging panawagan ni Fernando Hicap, chairman ng Pamalakaya sa napipintong pag-angkat ng galunggong simula sa Setyembre 1 na kung saan ay maaapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda.
“Mas mura kumpara sa atin, malaking epekto po ‘yan sa maliliit na mangingisda, kapag nagsabay ‘yan ang imported at ‘yung huli natin, kung anong halaga ng imported ‘yun din ang halaga ng isda natin, bagsak talaga ang kabuhayan natin kapag nagpatuloy ang ganitong policy, nagtaasan na po ang presyo ng produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin, mga gamit sa produksiyon, lahat po ‘yan nagtaasan,” ani Hicap.
Gayundin, tinukoy ni Hicap ang malaking pagkakaiba ng galunggong ng bansa kumpara sa nagmula sa ibang bansa na may peligro sa kalusugan.
“’Yung sa atin na sariwa malambot ang katawan, makintab ang balat, ang mata ay hindi pa ganung kapula, malinaw pa, pero ‘yung mga imported matigas ang katawan, namumula ang laman at mata, ‘yan po ang nakababahala, napakalayo ng diperensya ng lasa, kapag niluto na ang isda, halos madurog na ang ibabaw pero may dugo pa sa loob sigurado pong imported ‘yun,” giit nito.
GALUNGGONG NEGATIBO SA FORMALIN
Kaugnay nito, inanunsiyo ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) na negatibo sa formalin ang mga sample ng galunggong na galing sa tatlong palengke.
Sa isinagawang laboratory test ng (DA-BFAR) sa mga kinuhang galunggong mula sa Balintawak Market, Cubao Farmer’s Market, at Navotas Fish Port, lumabas na hindi kontaminado ng formalin ang mga ito.
“It must be noted, however, that based on laboratory analysis, low levels of Formaldehyde were detected. Formaldehyde is a chemical compound which naturally develops when the fish dies,’’ paliwanag ng BFAR.
Matatandaang ang grupo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA-Pilipinas) ang nagsabi na may ilang imported seafood products kabilang na ang galunggong ang nilagyan ng formalin at ibinibenta sa mga pamilihan sa bansa.
Ang formalin, ayon sa Oxford Living Dictionaries ay isang ‘’colorless solution of formaldehyde in water, used chiefly as a preservative for biological specimens.’’
“The public is assured that in collaboration with other concerned government agencies, the DA-BFAR will continue to remain vigilant in ensuring that all fish commodities that are sold in the markets, locally sourced or imported, are safe and free from any harmful substances,” paniniguro pa ng BFAR. LYKA NAVARROSA
Comments are closed.