LOKAL NA TRADISYON, SINING AT KULTURA, ITINUTULAK, BONG GO LUMAHOK SA KALI-KALIHAN FESTIVAL

MATAPOS  niyang masaksihan ang groundbreaking ng Super Health Center at tumulong sa mga mahihirap sa San Carlos City, tumuloy si Senador Christopher “Bong” Go sa Don Salvador Benedicto, Negros Occidental kung saan personal siyang nakiisa sa pagdiriwang ng 40th Kali-Kalihan Festival noong Huwebes, Pebrero 10.

Ang Kali-Kalihan Festival ay ipinagdiriwang tuwing Pebrero sa Don Salvador Benedicto. Ito ay isang harvest festival na nagpapakita ng mayamang kultura na pamana ng bayan at nagtatampok ng mga street dancing parade na may mga costume na gawa sa mga lokal na natural na materyales, at mga pagtatanghal ng arnis routines, isa sa pinakamatandang martial arts sa bansa.

Sa kanyang talumpati, pinuri ni Go ang pamahalaang bayan ng Don Salvador Benedicto sa pagpapatuloy ng masaganang pamana ng Kali-Kalihan sa kabila ng mga mapanghamong panahong ito.

“First off, I would like to say thank you to all of you for inviting me to this momentous occasion. Kali-Kalihan has always been the best platform to showcase your rich cultural heritage not only in the province of Negros Occidental, but to the whole Philippines as well.

“Ang Kali-Kalihan po pala ay hango sa arnis. Kaya bilang chair po ng Sports sa Senado, natutuwa ako sa okasyong ito dahil ipinamalas n’yo po ang kagandahan at kayamanan ng inyong lugar,” dagdag nito.

Alinsunod sa kanyang pananaw na tumulong sa mga nangangailangan, partikular sa mga nasalanta ng Bagyong Paeng, personal ding pinangunahan ni Go ang isang relief operation sa Barangay Igmayaan gymnasium at nagbigay ng relief items, tulad ng grocery packs, bitamina, maskara, at kamiseta sa 500 biktima ng bagyo.

Nagbigay rin siya ng mga bisikleta, cellular phone, sapatos, payong, relo, at bola para sa basketball at volleyball sa mga piling benepisyaryo.

Samantala, ang Department of Social Welfare and Development ay nagbigay ng tulong pinansyal sa mga mahihirap at nagpapagaling na mga biktima ng bagyo.

“Ako po si Senator Kuya Bong Go, patuloy na maglilingkod sa inyo sa abot ng aking makakaya. Basta kalabitin n’yo lang po ako anytime. Kahit saan tayo magkita tawagin n’yo lang po akong Bong Go, Kuya Bong Go, o Senador Bong Go. Bisyo ko ang magserbisyo kaya nandito ako para magserbisyo sa inyo,” pahayag ni Go.

Bilang Chair ng Senate Committee on Health and Demography, nag-alok din si Go ng karagdagang tulong sa mga nangangailangan ng medikal na atensyon. Pinayuhan niya ang mga ito na humingi ng serbisyo sa Malasakit Center sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital sa Bacolod City.