SINASABING mahalagang instrumento na makakatulong sa mga awtoridad na matunton ang mga smuggled contraband sa pamamagitan ng Trusted Operator Program-Container Registry and Monitoring System (TOP-CRMS).
Ito ay sa gitna ng mga natuklasan ng Bureau of Custom na sunud-sunod na smuggling operation kabilang ang pagpupuslit ng agricultural products papasok ng bansa.
Gamit ang TOP-CRMS ay maari na umanong matunton ng mga awtoridad ang lokasyon o bagsakan ng mga smuggled products na pinapasok sa bansa.
Sinasabing matutunton na rin ng pamahalaan kung saang warehouse iniimbak ang mga pinagdudahang kargamento.
Una na ring kinumpirma ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago na ang sistemang ito ay may global positioning tracker system dahilan para matukoy kung saan idedeliver ng mga registered truckers ang mga kargamento nito.
Paliwanag pa ni Santiago, modus ng mga smuggler na gumagamit ng mga pekeng address at consignee para ilusot ang mga kargamento.
Kaya umaapela si Santiago na bigyan sana ng pagkakataon ang TOP-CRMS.
Aniya, malaki ang benepisyo ng TOP-CRMS laban sa mataas na unregulated charges sa logistics cost tulad ng container deposit at sa mga nawawalang empty container.
Sinasabing sa ilalim ng TOP-CRMS, tanging container deposit insurance at monitoring fee na nagkakahalaga ng P980 at P3,408 na empty container handling service fee ang dapat bayaran ng mga importer kumpara sa halos P30,000 container deposit sa nakagawiang sistema.
Dagdag pa nito, two-way communication ang solusyon para maipaliwanag sa mga tumututol sa TOP-CRMS ang importansya nito lalo na sa panahon ngayon ng digitalization.
Ang TOP-CRMS ay parte ng inisyatibo ng PPA alinsunod sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na ipatupad ang digitalization sa mga transaksyon ng pamahalaan para sa mas magandang serbisyo sa publiko.
VERLIN RUIZ