NALAMBAT ng Caloocan Police ang apat na hinihinalang drug personalities kabilang ang isang lola sa isinagawang buy bust operation, kamakalawa ng gabi sa 3rd Avenue.
Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, ang naarestong mga suspek na sina Rogelio Arias alyas “Buda”, 52-anyos, (pusher); Normita Banzon alyas “Mita”,63-anyos ; Karen Pino, 38-anyos at Edlyn Pagtalunan, 41-anyos, pawang mga residente ng Caloocan City.
Ayon kay Mina, isinailalim ng mga operatiba ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa isang confirmation at validation ang mga suspek matapos ang natanggap na impormasyon mula sa isang confidential informant hinggil sa ilegal na drug activities ng mga suspek.
Agad na isinagawa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni Maj Deo Cabildo, kasama ang mga tauhan ng 6th MFC-RMFB ang buy-bust operation sa No. 143, 3rd Avenue, BMBA Compound, Barangay 120 dakong alas-11 ng gabi na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t-kumulang walong gramo ng shabu na may Standard Drug Price P54,400.00, marked money at ilang drug paraphernalia.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. VICK TANES