LAGUNA – “BAKIT ninyo kukunin pera namin, pambibili n’yo lang iyan ng shabu!”
Ito ang mariing sinabi sa pulisya ng isa sa limang naarestong suspek na 59-anyos na lola matapos maaktuhang nagsusugal sa loob ng Rizal Public Cemetery, Brgy. Antipolo kamakalawa ng hapon.
Sinasabing nasa Oplan Galugad si P01 Jomer Cadiao at kanyang mga kasamahan sa sementeryo kaugnay ng Ligtas Undas 2018 nang maaktuhan ng mga itong nagsusugal gamit ang baraha sina Ramona Comendador at apat pa nitong kaanak habang nakumpiska ang P335.
Ayon sa ulat, magkakasunod na pinaaresto ni Rizal Chief of Police Insp. Edwin Goyena sa kanyang mga tauhan ang suspek na si Comendador, biyuda, Vangeline Cueto, 30, Jenalyn Mendoza, 25, Vicky Albaira, 35, at isang Jomel Mendoza, pawang mga residente ng nasabing lugar.
Lumilitaw na bandang alas-12:45 ng hapon habang isinasagawa ng mga ito ang pag-aresto sa mga suspek at pagkumpiska sa bet money, agarang sinabihan ang mga ito ni Comendador na ipapambili lamang, aniya, ng mga ito ng shabu ang nakumpiskang halaga ng pera.
Matapos nito, sa halip na pagsabihan at pagbawalan na lamang ang mga ito ng pulisya, tuluyan na itong ipinaaresto ni Goyena kasunod ang pagsasampa ng kasong oral defamation at illegal gambling dahil sa kanilang inasal at pagbibintang ng masama sa kanilang hanay.
Sumusunod lamang aniya sila sa utos ng kanilang opisyal na magpatupad ng batas at kahit kailan, hindi nila ginawa ang ibinibintang sa kanila ng mga suspek, ani Goyena. DICK GARAY
Comments are closed.