PATAY ang 76-anyos na matandang babae samantalang sugatan naman ang isang 10-taong gulang na batang babae sa sumiklab na sunog sa Makati City kahapon ng umaga.
Kinilala ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang nasawi na si Mely Mencias at ang sugatang si Sarah Kingking na kapwa naninirahan sa ikatlong palapag ng gusaling pangkomersyal na matatagpuan sa Kalayaan Avenue, Barangay Guadalupe Nuevo, Makati City.
Base sa report ng Makati City BFP, idineklara ang unang alarma dakong alas-4:13 ng madaling araw na umabot ng ikalawang alarma.
Sa isinagawang imbestigasyon ni arson investigator Senior Fire Officer (SFO3) Jaime Macababayao, nagsimula ang sunog sa chapel ng gusali na matatagpuan sa ikatlong palapag na napag-alamang pag-aari ng isang Mr. Chui.
Nang sumiklab ang apoy sa gusali ay agad na nailigtas si Kingking ng mga rumespondeng bumbero ngunit hindi na nagawa pang masagip si Mencias na na-trap sa ikatlong palapag ng nasusunog na gusali.
Wala naman nadamay na iba pang establisimiyento kundi ang gusali lamang na pag-aari ni Mr. Chui.
Naapula ang sunog dakong ala-5:48 ng madaling araw at idineklarang fire out ng ala-6:03 ng umaga.
Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang malaman ang pinagmulan ng apoy gayundin ang halaga ng pinsala sa naturang ng sunog. MARIVIC FERNANDEZ