MALABON CITY- PATAY ang isang lola matapos mabangga ng isang sport utility vehicle (SUV) na minamaneho ng isang doktor sa lungsod na ito.
Si Iluminada Matias, 68, ng 32 Paez St., Brgy. Concepcion ay nalagutan ng hininga habang ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan.
Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, kusang loob naman na sumuko sa pulisya ang driver ng Toyota Fortuner (AA-18184), na si Dr. Emmanuel Santos, 58, ng 95 C. Arellano St., Brgy. Ibaba at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Sa imbestigasyon nina P/Cpl. Anthony Codog at P/Cpl. Robert Hugo, dakong alas-5:30 ng madaling araw, minamaneho ni Santos ang SUV habang tinatahak ang kahabaan ng Gen. Luna Street.
Nang lumiko ito sa kaliwa patungong Burgos Street ay aksidente nitong nabundol ang biktima na tumatawid sa kalsada.
Kaagad isinugod ni Santos ang biktima sa Ospital ng Malabon subalit, inilipat din ito sa TMC hospital kung saan ito idineklarang patay ban-dang alas-11:10 ng umaga ni Dr. Gian Rabago. VICK TANES