LOLA NATUSTA SA SUNOG

BULACAN- ISANG 67-anyos na matandang babae ang nasawi makaraang ma-trap ito sa loob ng kanyang nasusunog na bahay matapos sumiklab ang isang malaking sunog na mabilis na tumupok sa apat na kabahayan sa Barangay San Marcos, Calumpit sa lalawigang ito kamakalawa ng gabi at naapula kahapon ng madaling araw.

Base sa isinumiteng report kay Col. Charlie Cabradilla, acting Provincial Director ng Bulacan PNP, kinilala ang biktima na si Leah Regala, 67-anyos at residente ng Purok 2,Barangay San Marcos,Calumpit na nadiskubreng nasawi matapos ang sunog na tumagal na halos tatlong oras bago naapula.

Nabatid na dakong alas-10 ng gabi nitong linggo nang sumiklab ang sunog sa isang bahay sa Purok 2,Barangay San Marcos na mabilis na kumalat sa tatlong katabing bahay na pawang gawa sa mga light materials at kasamang nasunog ang bahay ng biktima kungsaan hindi na ito nakalabas ng bahay.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na ganap na naapula dakong alas-12:30 ng madaling araw kahapon at dito na nakita ang biktimang na-trap sa loob ng kanyang bahay.

Patuloy namang inaalam ng fire probers kung ano ang pinagmulan ng sunog ngunit hindi inaalis na faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog na ikinasawi ng biktima at tumupok sa apat na bahay na tinatayaang aabot sa halos kalahating milyong pio na halaga ng ari-arian ang natupok. MARIVIC RAGUDOS