LOLA NI JAKE ZYRUS HUMIHINGI NG TULONG

Tess Pineda

NANAWAGAN ng tulong ang 74-anyos lola ni Jake Zyruz o mas kilalang Charice Pempengco noon.

Lumapit si Lola Tess Pineda sa social me­dia personalities upang makiusap kung puwe­de siyang kuhanan ng video at iparating ang  panawagan sa kanyang pamilya. Nais din nitong makarating ang kanyang hinaing sa iba pang prominenteng tao gaya nina Raffy Tulfo at Jessica Soho.

Hinaing ng lola na kailangan niyang magpa-check-up dahil sa kanyang mga iniindang karamdaman at nangangailangan din ito ng mga gamot.

Pansamantalang kinupkop si lola Tess ng isang concern citizen sa Sta. Rosa, Laguna. Humihiling din ang lola na sana’y mabigyan din siya ng makina sa pananahi para makatulong sa mga taong kumupkop sa kanya.

Ayon sa lola,  hindi raw siya naaalala ng kanyang pamilya.

Mayroon daw alitan ito at ang kanyang anak na si Raquel Pempengco kaya wala siyang maasahang tulong galing dito.

Hindi naman daw sa nagpapaawa ang lola, gusto  lamang daw nito na makarating ang kanyang sitwasyon sa kanyang pamilya lalo na sa kanyang apo na si Jake Zyrus.

“Charice, bakit mo ako ginanito anak? ‘Yung ibang tao binubuhay mo, pinakakain mo. Pero ang lola mo kahit piso hindi mo naaalala?

“Kung ako ay naging masamang ina, kung ako ay naging masamang lola, sa akin pa rin kayo nagmula.

“Ano bang kasalanan ko sa inyo para paghigantihan niyo ako ng ganito?” maramdaming pahayag ni Lola Tess sa apo. ANGELO BAINO

Comments are closed.