LOLA PATAY SA PAMAMARIL

QUEZON- HINDI na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang 63- anyos na lola matapos na barilin ng hindi nakilalang salarin sa Buenavista sa lalawigang ito.

Batay sa report ng pulisya ang biktima ay nakilalang si Elena Medalla, nakatira sa Sitio Tiwtiw, Brgy. San Diego , Buenavista, Quezon.

Base sa isinagawang pagsisiyasat, bago naganap ang naturang insidente ng pamamaril at kasalukuyang nag-iinuman ang biktima kasama ang kanyang kamag-anak sa balkonahe ng kanilang bahay nang makarinig ang mga ito ng isang malakas na putok ng hindi malamang kalibre ng baril sa gawing likuran ng biktima.

Nagulat na lamang ang mga kaanak ng biktima nang makitang may tama si Medalla sa likod na tumagos pa sa kanyang dibdib.

Agad na isinugod ang biktima sa pagamutan subalit idineklara ng attending physician na dead on arrival na ito.

Ayon naman sa mga awtoridad ang baril na ginamit sa biktima ay isang 12 guage shotgun matapos na ma-recover ng mga ito ang basyo ng balang ginamit sa biktima.

Samantala ay patuloy naman ang pagkalap ng impormasyon ng mga pulisya upang alamin ang tunay na motibo at matukoy kung sino ang dapat managot sa naturang insidente. EVELYN GARCIA