CAVITE- PATAY ang isang lola matapos matusta sa nasunog nilang bahay sa Silangan St. Barangay Niog sa lungsod ng Bacoor kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection, naganap ang sunog sa residential area dakong alas-4:20 ng hapon na tumupok sa halos 40 kabahayan at nakaapekto sa 88 pamilya na binubuo ng 328 na indibiwal at kasalukuyang nasa mga evavuation area.
Kinilala naman ang nasawing si Rosalinda Pataleon Ompoc, 60-anyos na hindi nagawang makalabas ng bahay sa bilis ng pagkalat ng apoy, nadiskubre ang bangkay nito malapit sa bintana ng bahay kung saan posibleng humihingi pa ng tulong ang biktima bago natusta sa sunog.
Naideklarang fire under control ang sunog dakong alas-4:54 ng hapon at patuloy pang inaalam ng BFP Bacoor ang sanhi ng sunog at halaga ng danyos nito.
Magugunitang noong nakaraang Linggo, sa halos kaparehong oras ay sumiklab din ang sunog sa nasabing lugar na tumupok sa 50 kabahayan. SID SAMANIEGO